KALIBO, Aklan — Magsasagawa muna ng general meeting ang KAPOTODA o Kalibo Public Operators and Drivers Association kasama ang kanilang mga miyembro upang alamin ang pulso ng mga ito hinggil sa planong pagpapasok ng electric tricycles o e-trikes sa bayan ng Kalibo.
Sa panayam kay KAPOTODA President Wilhelm Apellido, binigyang-diin nito na ang boses ng kanilang mga miyembro ang kanilang pangunahing isasaalang-alang at kung ano ang magiging desisyon ng mayorya ay iyon ang kanilang susundin.
Gayunman, sakaling matuloy ang plano, posible rin umanong ibigay ng kanilang organisasyon ang suporta sa panukala ng local government unit ng Kalibo.
Una nang natalakay ng iba’t ibang grupo ng mga tricycle driver sa bayan ang nasabing panukala at karamihan sa mga ito ay nagpahayag ng pagtutol dahil sa ilang pangamba, partikular sa posibleng epekto nito sa kanilang kabuhayan.
Subalit, aminado rin ang ilang driver na kung pormal na ipatutupad ng LGU ang proyekto, mahirap na itong tutulan.
Tiniyak din umano sa kanila na hindi maaapektuhan ang pag-iral ng mga tradisyunal na tricycle sa Kalibo na tinatayang nasa 1,900 units sa kasalukuyan.
Samantala, limang unit ng e-trikes ang planong ipasok ng kompanyang Polaris sa bayan sa pamamagitan ng boundary system bilang bahagi ng pilot testing o paunang pagsubok sa operasyon nito.
May kapasidad na anim na pasahero ang bawat unit at tinatayang nasa P350,000 hanggang P390,000 ang presyo nito. Iminungkahi rin ng kompanya ang isang lugar sa Pook, Kalibo bilang charging station.
Patuloy namang sinusuri ng Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan ang panukala dahil sa mga pangamba kaugnay ng daloy ng trapiko, kompetisyon sa mga tradisyunal na tricycle driver, at kakayahang pinansyal ng mga lokal na mamamayan.
Nakabinbin pa ang panukala habang tinatapos ang committee report bago ito muling iharap sa konseho para sa karagdagang pagtalakay.













