BATAN, Aklan — Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa pa matapos umanong pagbabarilin ng isang 68-anyos na dating chief tanod ang dati nitong nakaalitan sa labas ng covered court sa Barangay Cabugao, Batan, dakong alas-7 ng gabi nitong Biyernes, Nobyembre 27.
Batay sa imbestigasyon ng Batan Municipal Police Station, nagkaroon umano ng pagtatalo at suntukan ang dalawa matapos ang basketball game kaugnay ng kapistahan sa lugar, hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at ilang beses na pinaputukan ang biktima na tinamaan sa ulo na agad nitong ikinasawi.
Sa salaysay ng suspek, palabas umano siya ng covered court nang muntik siyang masagasaan ng biktima na sakay ng motorsiklo, dahilan upang magalit ito. Nag-ugat naman umano ang kanilang alitan matapos isilbi ang search warrant sa bahay ng biktima noong chief tanod pa ito.
Tinamaan din ng ligaw na bala ang isa pang lalaki na isinugod sa ospital sa Kalibo.
Boluntaryong sumuko ang suspek kay Batan MPS Chief Police Lieutenant Luisito Concepcion. Narekober sa lugar ang anim na basyo ng bala mula sa kalibre .22 na baril, ngunit hindi na natagpuan ang mismong armas.
Sa ngayon, nakakulong ang suspek sa detention facility ng Batan MPS at nakatakdang sampahan ng kasong homicide.













