Namataan sa rehiyong Calabarzon ang puganteng negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang halos dalawang linggo na ang nakalipas, ngunit nakaiwas sa operasyon ng mga awtoridad.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), mabilis na nakalilipat ng tirahan si Ang at umano’y may maliit na grupo lamang na kasama sa kanyang paggalaw.
May mga inilabas na warrant of arrest na hindi maaaring piyansahan laban kay Ang mula sa mga korte sa Laguna at Batangas kaugnay ng kasong kidnapping at serious illegal detention na may kinalaman sa pagkawala ng 34 na sabungero. Nasa kustodiya na ng pulisya ang 20 niyang mga kasamang akusado.
Naglaan naman ng ₱20 milyong pabuya ang pamahalaan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.












