-- ADVERTISEMENT --

Inilunsad ng Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at PhilHealth ang CLASS+ (Clinics for Learners’ Access to School-health Services Plus) noong Hunyo 18 upang magbigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga pampublikong paaralan.

Layunin ng programa na maghatid ng libreng konsultasyon, laboratory tests, at preventive care sa ilalim ng Konsulta Package ng PhilHealth. Sa unang aktibidad nito sa Esteban Abada Elementary School sa Quezon City, mahigit 500 mag-aaral at guro ang nakatanggap ng libreng check-up, habang nagbigay rin ng on-site registration ang PhilHealth para sa mga hindi pa miyembro.

Ang mga school clinic ay gagamitin bilang access point para sa Konsulta Package, na nag-aalok ng konsultasyon, diagnostic tests, libreng gamot, at health counseling. Kasama rin sa programa ang pagpaparehistro ng mga mag-aaral at guro sa PhilHealth, pati na ang pagbuo ng DepEd ng isang School Health Package batay sa nakalap na health data.

Papalawakin din ng PhilHealth ang accreditation ng Konsulta providers mula sa pribadong sektor, kabilang ang paggamit ng teknolohiyang tulad ng DocMate AI upang gawing mas mabilis at epektibo ang mga konsultasyon.