Pinabibilis ng Department of Education (DepEd) ang mga reporma sa edukasyon upang tugunan ang learning gaps at palakasin ang maaga at inklusibong pagkatuto matapos ang ikalawang pulong ng Education Trifocal Agencies.
Nagkaisa ang DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magtatag ng mga Permanent Working Group (PWG) na tututok sa mga pangunahing reporma sa sektor ng edukasyon sa susunod na dalawang taon. Layunin nitong tiyakin ang tuluy-tuloy na paglipat ng mga mag-aaral mula early childhood education patungo sa higher education o technical at skills training.
Pangungunahan ng DepEd ang tatlong PWG na nakatuon sa Early Childhood Care and Development, Inclusive Education, at Functional Literacy and Learning Recovery, na sasaklaw sa pagpapalakas ng early education, pagpapabuti ng access para sa mga marginalized learners, at pagsasama ng learning recovery sa regular na sistema ng mga pampublikong paaralan.













