Humiling ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na alisin ang tatlong bagong itinalagang abogado ng mga biktima sa kaso ng war on drugs dahil sa umano’y conflict of interest.
Sa mosyong inihain noong Pebrero 11, iginiit ng depensa na may “anyo ng pagkiling” sa pagtatalaga kina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at Nicolene Arcaina bilang kinatawan ng mga biktima, at hiniling na suspendihin ang kanilang access sa mga rekord ng kaso. Iminungkahi rin na ang Office of Public Counsel for Victims ang humawak sa representasyon upang maiwasan ang pagkaantala sa pagdinig.
Tinukoy ng depensa ang umano’y mga pahayag sa media ng isa sa mga abogado at ang kanilang dating ugnayan sa CenterLaw Philippines bilang posibleng dahilan ng bias.
Inaresto si Duterte noong Marso 11 batay sa warrant ng ICC kaugnay ng imbestigasyon sa kampanya kontra droga. Nahaharap siya sa mga alegasyon ng paglikha at pagpopondo ng mga death squad.













