NABAS, Aklan — Sugatan ang 17 katao nang magsalpukan ang isang pampasaherong van at elf truck na kargado ng mga isdang aloy sa boundary ng Brgy. Habana at Brgy. Gibon sa bayan ng Nabas, Aklan, bandang alas-5:40 ng hapon ng Martes, Pebrero 17, 2026.
Ayon sa Nabas Municipal Police Station, galing sa Tibiao, Antique ang trak na minamaneho ni Jethree Yap, 43, residente ng naturang lugar na kargado ng nasa 80 kahon ng isdang aloy na patungo sana sa Metro Manila nang makasalpukan nito ang pampasaherong van na minamaneho naman ni Jully Patricio, 49, at residente ng Mobo, Kalibo sa bahagi ng naturang national highway.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na binabagtas ng pampasaherong van ang kahabaan ng kalsada nang pumasok ang trak sa linya nito.
Nawalan umano ng preno at namatayan ng makina ang trak sa palusong na bahagi ng kalsada dahilan ng pagbanggaan ng mga ito.
Sa lakas ng impact, wasak ang parehong harapan ng dalawang sasakyan, kung saan, ang driver ng elf truck at pahinante gayundin ang driver ng van at 14 na pasahero nito ay pawang nagtamo ng sugat.
Naipit umano ang katawan ng van driver sa upuan at nagtamo ng bali ang kaliwang binti. Ilan sa mga pasahero nito ay nagtamo ng malubhang sugat na kaagad na isinugod sa ospital.
Samantala, nagkalat sa kalsada ang karton-kartong isda.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.












