KALIBO, Aklan — Isinalaysay ng isang Aklanon overseas Filipino worker sa Qatar ang grabeng takot na kanilang naramdaman sa inilunsad kamakailang missile attacks ng Iran sa US military base sa naturang bansa, umaga ng Martes, Hunyo 24.
Ayon kay Lyndz Nesbrio, Bombo International News Correspondent sa Qatar at residente ng Brgy. Briones, Kalibo na nakita niya mismo sa pagdungaw sa bintana ang mga pagsabog sa kalangitan, ngunit ramdam ang pag-uga ng lupa sa ibaba.
Naghahanda umano silang maghapunan nang tumama ang mga missile dakong alas-7:35 ng gabi, oras sa Qatar.
Ito na umano ang kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay na nakasaksi ng maistulang battleship sa langit.
Dagdag pa na wala silang anumang ideya na may mangyayaring pag-atake, kung saan kahit sa itaas sumasabog ay ramdam ng kanilang katawan ang impact ng pagsabog.
Samantala, sinabi pa ni Nesbrio na ang insidente ay nagdulot ng panic buying sa mga residente, subalit hindi naapektuhan ang kanilang suplay ng kuryente, tubig, at internet.
Pilit umano nilang kino-kontrol ang kanilang takot, upang hindi rin mag-panic ang mga batang kanilang inaalagaan.
Hanggang sa kasalukuyan kahit kontrolado na ang sitwasyon ay dasal pa rin ang kanilang sandata upang malabanan ang takot sa posibilidad na maulit ang pag-atake at palagi silang nagbabantay ng balita sa social media at telebisyon.