NEW WASHINGTON, Aklan — Nakumpiska ang isang ilegal na baril, mga bala at hinihinalang marijuana sa ikinasang search warrant operation ng mga awtoridad sa Sitio Barangay Cawayan, New Washington, Aklan, pasado alas-8:00 umaga ng Miyerkules, Agosto 13, 2025.
Naaresto ng mga operatiba ng New Washington Municipal Police Station, ang suspek na kinilalang si alyas “Dansoy,” 26 anyos, job order employee at residente ng naturang lugar matapos marekober sa loob ng kanyang pamamahay ang siyam na sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang cal. 38 na baril at siyam na mga bala nito.
Sinasabing ang suspek ay nagtatrabaho bilang encoder sa Rural Health Unit (RHU) ng lokal na pamahalaan ng New Washington.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sa kabilang daku, mariing pinabulaanan ng suspek na siya ang nagmamay-ari ng mga nakuhang items sa loob ng kanyang bahay.
Aminado ang suspek na may isinampang reklamong grave threat laban sa kanya kaugnay sa pagdadala at pagpapaputok ng baril at nakatakda sana ngayong araw ang pagharap nila sa Lupon sa kanilang barangay kasama ang dalawang iba pa.