Nagpahiwatig ang Malacañang ng pagbabago sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, iginiit ng Pangulo na kung maisasampa ang impeachment, dapat itong dumaan sa patas at tamang proseso, katulad ng isinasagawang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects. Hindi man tuwirang sinabi kung susuportahan o tututulan ng Pangulo ang hakbang, binigyang-diin na igagalang nito ang due process at papanagutin ang sinumang mapatutunayang may kasalanan.
Ipinunto rin ng Malacañang na naiiba ang kasalukuyang pananaw ng Pangulo kumpara sa mga naunang pahayag nito na itinuturing na pag-aaksaya ng oras ang impeachment, dahil mas malinaw na ngayon ang mga isyung kinahaharap ng bise presidente. Patuloy na iginiit ng Palasyo na dapat umusad ang imbestigasyon batay sa ebidensiya at walang kinikilingan.













