KALIBO, Aklan — Tiniyak ni Kalibo Mayor Juris B. Sucro na patuloy na tinututukan ng Municipal Engineering Office ang estado ng konstruksyon ng bagong Kalibo Public Market upang mapabilis ang pagkumpleto nito at mailipat na ang mga vendor sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Sucro, nakikipag-ugnayan din ang Office of the Mayor sa mga miyembro ng Kalibo Public Market Vendors Association upang pakinggan at tugunan ang kanilang mga kahilingan at hinaing kaugnay ng pagkaantala ng proyekto.
Ipinaliwanag ng alkalde na kabilang sa mga naging dahilan ng pagkaantala ang proseso ng pag-apruba ng pondo, na hindi lamang nakasalalay sa lokal na pamahalaan ng Kalibo kundi nangangailangan din ng pag-apruba ng Development Bank of the Philippines (DBP).
Dagdag pa nito, kinailangan ding sumunod sa iba’t ibang parameters at requirements, kabilang ang pagtaas ng presyo ng mga materyales at pagproseso ng mga dokumento at permit gaya ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa DENR, na kinailangang asikasuhin muli matapos itong mapaso.
Ang proyekto ay na-bid noong Pebrero 2023, sinimulan ang konstruksyon noong Oktubre 2024 at nag-full blast ang trabaho noong Pebrero 2025.
Humingi naman ng paumanhin si Sucro sa mga vendor dahil batid ng lokal na pamahalaan ang malaking epekto ng pagkaantala sa kanilang kabuhayan. Tiniyak niyang pinakikinggan ang kanilang mga saloobin at ginagawa ang lahat upang mapabilis ang pagkumpleto ng palengke.
“Kaunting tiis na lang at matatapos din ito. Pilit nating ginagawa ang lahat upang makalipat ang ating mga vendor sa lalong madaling panahon,” ayon sa alkalde.
Nauna rito, sinabi ni SB Member Engr. Emerson Lachica na posibleng sa susunod na taon pa matapos ang bagong palengke dahil sa mga natitira pang trabaho sa ikalawa at ikatlong palapag ng gusali.
Sa pagbisita ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan noong Oktubre 15, 2026, napag-alamang hindi pa handang okupahan ng mga vendor ang gusali.
Kabilang sa mga hindi pa natatapos ang ilang stalls sa ikalawang palapag at ang paglalagay ng bubong sa ikatlong palapag.













