Pinalalawak ng Department of Agriculture (DA) ang pagtutok sa pag-eexport ng high-value crops matapos mabawi ng Pilipinas ang posisyon bilang ikalawang pinakamalaking exporter ng saging sa mundo.
Bukod sa saging at mangga, isusulong ng DA sa pandaigdigang merkado ang asparagus, avocado, cacao, calamansi, kape, dragon fruit, durian, okra, pomelo at rambutan.
Ayon sa DA, ang hakbang ay kasunod ng pag-angat ng suplay ng saging na bunsod ng mga bagong pamumuhunan.
Batay sa FAO, umabot sa halos tatlong milyong metriko tonelada ang na-export na sariwang saging ng bansa noong 2025, mula 2.33 milyong MT noong 2024.
Anila, pinatibay nito ang kumpiyansa sa estratehiya ng sektor at nagbukas ng mas malawak na paglago ng exports.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na patunay ang rebound na kayang baligtarin ang paghina ng industriya kapag tama ang mga interbensyon.
Dagdag ng DA, lilipat na ang pokus mula sa dami tungo sa halaga at export-ready na agrikultura upang maging mas diversified at resilient ang agri-exports ng bansa.












