Inakusahan ng Punong Ministro ng Lebanon ang Israel ng mga krimen sa digmaan matapos ang airstrike sa timog Lebanon na ikinamatay ng isang mamamahayag at ikinasugat ng isa pa.
Kinilala ang nasawi na si Amal Khalil habang sugatan naman ang freelance photojournalist na si Zeinab Faraj. Ayon sa mga ulat, ito na ang ikaapat na media worker na napatay sa Lebanon mula Marso.
Naganap ang insidente sa Tayri habang sumisilong ang mga mamamahayag sa gitna ng mga pag-atake, nang tamaan ang kanilang kinaroroonan. Iniulat din ang hirap ng rescue operations dahil sa patuloy na putukan.
Mariing kinondena ni Lebanese Prime Minister Nawaf Salam ang pangyayari, sinabing ang pag-atake sa media at paghadlang sa rescue efforts ay maituturing na war crimes at bahagi ng mas malawak na pattern ng karahasan.
Samantala, sinabi ng militar ng Israel na hindi nito sinasadya ang pagtarget sa mga mamamahayag at ginagawa umano nito ang mga hakbang upang mabawasan ang pinsala sa mga sibilyan.













