Patuloy ang pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development sa mga residenteng naapektuhan ng pag-aalburoto ng Mayon Volcano, habang naghahanda rin ang ahensya laban sa matinding init dulot ng El Niño sa mga evacuation center.
Batay sa datos ng DSWD sa Bicol Region, mahigit 70,000 pamilya o higit 286,000 indibidwal ang naapektuhan ng sitwasyon. Mahigit 1,100 pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Mahigit 100,000 family food packs, ready-to-eat food boxes, at iba’t ibang relief items ang naipamahagi na sa mga evacuee. Naglunsad din ang ahensya ng mobile kitchen at nagbigay ng mahigit PHP56 milyong cash assistance sa pamamagitan ng cash-for-work at emergency cash transfer programs.
Pinag-aaralan din ng DSWD ang paglalagay ng cooling areas, air conditioning units, at mas maayos na bentilasyon sa evacuation centers upang maprotektahan ang mga evacuee laban sa matinding init.
Mayroon ding halos 4.7 milyong kahon ng family food packs at PHP1.21 bilyong standby fund ang DSWD para sa mabilis na pagtugon sa mga sakuna at emergency sa bansa.













