-- ADVERTISEMENT --
KALIBO, Aklan — Nagpaalala si Land Transportation Office (LTO)-6 Regional Director Atty. Gaudioso Geduspan II sa mga bibiyahe ngayong Undas na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang kalusugan bago bumiyahe.
Ayon kay Geduspan, mahalagang suriin ang sariling kalagayan, lalo na kung may iniindang karamdaman, upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Kabilang din sa kanyang paalala ang pagsuri sa kondisyon ng sasakyan, partikular ang preno, tubig, hangin sa mga gulong at langis. Tiyakin ding rehistrado ang sasakyan at hindi ito colorum.
Inatasan din ng ahensya ang mga tauhan sa lahat ng district office sa rehiyon na maghanda bilang bahagi ng paghahanda para sa paggunita ng Undas.












