-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag ang pag-inhibit ng prosecutor na humahawak sa kasong libel at cyber libel na isinampa laban sa kanya ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte.

Hiniling din ni Matibag na ilipat ang pagdinig ng reklamo sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ), dahil sa umano’y posibleng conflict of interest.

Ayon kay Matibag, magpinsan ang Davao City prosecutor na si Jhopee Salvador Avanceña at si Honeylet Avanceña, ang kinakasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Dahil dito, sinabi niyang may nakikita silang dahilan upang kuwestiyunin ang pagiging patas ng paghawak sa kaso.

Inihahanda na umano ang urgent motion for inhibition at motion to suspend proceedings na ihahain sa Davao City Prosecutor’s Office at DOJ. Maaari ring magtalaga si Justice Secretary Fredderick Vida ng special prosecutor, depende sa kanyang pagpapasya.

Noong Biyernes, naghain ng reklamo si Rep. Duterte laban kina Matibag, Rodulfo Gracioso Jr. at ilang media personality sa Davao City Prosecutor’s Office. Kaugnay ito ng alegasyon ni Gracioso na tumanggap ang kongresista ng mga maleta na naglalaman ng tig-₱100 milyon na cash, na umano’y iniutos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.

-- ADVERTISEMENT --