KALIBO, Aklan — Dismayado ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa Western Visayas sa ₱45 na dagdag-sahod na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Oktubre 21, 2026 dahil hindi umano ito sapat sa pang-araw-araw na gastusin.
Iginiit ni Elmer Forro, spokesperson ng United Labor Panay na dapat ipatupad ang mas malaking umentong ₱250 sa halip na ang maliit na dagdag na inaprubahan ng wage board.
Ipinasiguro nito na hindi sila titigil at patuloy na maghahain ng petisyon upang maibigay ang nararapat na sahod sa mga obrero.
Nabatid na makakatanggap ng dagdag-sahod ang mga minimum wage earners sa Western Visayas, kabilang ang Negros Occidental at Bacolod City, matapos aprubahan ng RTWPB-6 ang Wage Order No. 30.
Ang bagong wage order ay isinumite sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Oktubre 22 para sa kumpirmasyon, ayon kay RTWPB-6 Chairperson Atty. Sixto T. Rodriguez Jr.
Sa ilalim ng bagong kautusan, tataas ng ₱45 ang arawang minimum wage ng mga manggagawang agrikultural, mula ₱520 ay magiging ₱565. Samantala, makatatanggap ng ₱40 dagdag-sahod ang mga manggagawa sa non-agricultural sector, kaya magiging ₱590 mula ₱550 ang minimum wage sa mga establisimyentong may mahigit 10 empleyado.
Para naman sa mga non-agricultural establishment na may 10 o mas kaunting empleyado, tataas sa ₱565 mula ₱525 ang arawang minimum wage. Makakatanggap din ng ₱500 dagdag sa buwanang sahod ang mga kasambahay, mula ₱6,500 ay magiging ₱7,000.
Inaasahang magkakabisa ang bagong wage order sa kalagitnaan ng Nobyembre, matapos ang publikasyon at pagkumpleto ng mga kinakailangang proseso.











