Magpapatupad ang Department of Education (DepEd) ng bagong mga alituntunin sa mga paaralan bilang paghahanda sa inaasahang Super El Niño, kabilang ang awtomatikong suspensiyon ng lahat ng face-to-face classes at home-based academic activities kapag umabot sa 42 degrees Celsius ang temperatura.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 64, Series of 2026, na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, layunin ng polisiya na maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan laban sa matinding init.
Batay sa mga alituntunin, suspendido ang face-to-face classes kapag nasa 33 hanggang 41°C ang temperatura, habang ipagpapatuloy ng mga estudyante ang mas magagaan na gawaing pampag-aaral sa bahay. Kapag nasa 27 hanggang 32°C naman, maaaring paikliin ng mga school head ang oras ng klase o magpatupad ng hybrid at flexible learning arrangements.
Maaari namang magpatuloy ang regular na face-to-face classes kapag mas mababa sa 27°C ang temperatura, na may nakatakdang mga pahinga para sa pag-inom ng tubig.
Agad na ipatutupad ang polisiya at mananatili itong umiiral hanggang sa opisyal na ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng 2026–2027 El Niño episode.













