NUMANCIA, Aklan — Patay ang isang 24-anyos na rider habang tatlo pa ang sugatan nang magsalpukan ang isang motorsiklo at isang tricycle, bandang alas-7:00 ng gabi ng Martes, Oktubre 27 sa Barangay Badio, Numancia sa tapat ng sementeryo.
Ngunit binawian din ng buhay habang ginagamot sa Intensive Care Unit (ICU) ng Aklan Provincial Hospital ang biktimang rider na isang construction worker at residente ng Barangay Agcawilan, Lezo, bandang ala-1:00 ng madaling araw ng Miyerkules, Oktubre 28.
Patuloy namang ginagamot sa nasabing ospital ang driver ng tricycle habang ini-refer sa out-patient-department ang dalawang pasahero nito.
Lumalabas sa inisyal na report na natanggap ng Numancia Municipal Police Station, naganap ang insidente habang binabagtas ng tricycle driver ang naturang lugar patungong Albasan, Numancia, kung saan, ang rider naman ay nasa opposite direction at papuntang Poblacion, Numancia.
Sinasabing inagaw ng motorsiklo ang linya ng traysikel kaya ito iniwasan ng driver. Gayunman, bumalik umano sa sariling linya ang motorsiklo, na naging sanhi ng salpukan.
Sa lakas nang pagkakabangga ay tumilapon ng ilang metro ang rider na naging dahilan ng kanyang kamatayan habang nasugatan din ang lulan ng tricycle na nakabanggaan.












