KALIBO, Aklan — Umabot sa mahigit ₱3.2 milyon ang kabuuang cash sales at booked orders ng walong micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula sa Kalibo sa kanilang unang paglahok sa Manila FAME 2026.
Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan, nakapagtala ang mga kalahok na negosyo ng ₱2.05 milyon na cash sales at ₱1.17 milyon na booked orders sa nasabing trade exhibition na ginanap noong Oktubre 15 hanggang 17 sa World Trade Center Metro Manila sa Pasay City.
Kabilang sa mga kinatawan ng Kalibo ang Aklan Fashion Designers Association, HAMPCO, Joeriez Gowns & Suits Shop, La Herminia Weaving Arts, Inc., Nami Aklan, Piña Seda, Primera Reycon’s Piña Cloth, at USWAG Arts and Crafts.
Layunin ng paglahok na maipakilala ang mga produktong lokal ng Aklan sa mas malawak na merkado at makabuo ng mga oportunidad para sa pakikipag-ugnayan sa mga mamimili at negosyante sa loob at labas ng bansa.
Nagsagawa rin ng pitong buwang paghahanda ang lokal na pamahalaan katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) Aklan at Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM) upang mapaunlad ang mga produkto at mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na negosyo na makapasok sa pambansa at pandaigdigang merkado. Via Vibrant Kalibo













