-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nasawi ang isang 56-anyos na driver ng rolling pandesal matapos sumalpok ang minamaneho nitong rolling cart sa likurang bahagi ng isang mixer truck sa Kalibo-Numancia Bridge gabi ng Lunes, Oktubre 26.

Kinilala ang biktima na si Florante Tayco, residente ng Barangay Calangcang, Makato, Aklan.

Batay sa imbestigasyon ng Numancia Municipal Police Station, kargado ng semento ang mixer truck na ihahatid sana sa isang construction site sa Barangay Bulwang nang magkaroon ito ng aberya sa gitna ng tulay. Ipinarada umano ng driver ang truck at bumaba upang suriin ang makina.

Makalipas ang ilang sandali, sumalpok ang rolling cart na minamaneho ni Tayco sa likurang bahagi ng truck, na nagdulot ng mga pinsala sa kanyang ulo at leeg. Nabasag din ang salamin ng kariton at nagkalat sa kalsada ang mga paninda nitong pandesal.

Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, dinala naman sa Numancia MPS ang driver ng mixer para sa kaukulang disposisyon.

Nagdulot rin ng matinding pagsikip ng trapiko ang insidente.