-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nagpaalala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan sa mga biyahero na sumunod sa mga patakaran at proseso sa paliparan upang maiwasan ang pagkaantala ng kanilang biyahe ngayong Undas.

Ayon kay Monico Basallote, manager ng CAAP-Aklan, naka-heightened alert ang lahat ng paliparan sa bansa dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero. Katuwang ng CAAP ang mga partner agencies at airport stakeholders upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko.

Samantala, sinabi ni Basallote na normal ang operasyon ng Kalibo International Airport ngayong Undas at wala silang nakatakdang karagdagang flights.

Sa kasalukuyan, umaabot sa 12 ang daily flights ng AirAsia at Cebu Pacific. Mayroon ding mga international flight na bumibiyahe sa Kalibo, partikular ang rutang patungong South Korea at Russia.

Tiniyak din ng pamunuan ng paliparan na mino-monitor ng airport security personnel ang daloy ng mga sasakyan sa parking area upang maiwasan ang pagsisikip at mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpapatuloy ang mga development project sa paliparan, kabilang ang rehabilitasyon ng terminal building upang higit pang mapabuti ang mga pasilidad at serbisyo para sa mga pasahero.