KALIBO, Aklan — Dismayado ang mga lokal na hog raisers sa Aklan dahil hindi umano nasusunod ang Executive Order ni Governor Jose Enrique Miraflores na nagtatakda ng ₱180 kada kilo na farmgate price ng buhay na baboy.
Ayon kay Louie Lumapas, isang hog raiser, nananatili sa ₱155 hanggang ₱160 kada kilo ang presyo ng pagbili ng mga trader sa mga lokal na mag-aalaga ng baboy, kaya mas malaki umano ang kinikita ng mga ahente kumpara sa mismong hog raisers.
Giit umano ng mga trader, hindi nila kayang sundin ang itinakdang presyo dahil mas mura ang kanilang nakukuhang baboy mula sa ibang probinsya, partikular sa Antique at Capiz, na umaabot lamang sa ₱140 hanggang ₱145 kada kilo.
Ayon kay Lumapas, hindi na sila kumikita kapag mas mababa sa ₱170 kada kilo ang bentahan ng kanilang mga alagang baboy. Dagdag pa niya, araw-araw umanong may mga trak na pumapasok sa Aklan na may kargang baboy mula sa ibang lugar, na nakaaapekto sa presyo ng lokal na suplay.
Dahil dito, nananawagan ang mga hog raisers sa pamahalaang panlalawigan na magtatag ng stockyard kung saan maaaring tipunin ang mga baboy upang masiguro ang maayos na bentahan at pagsunod sa itinakdang presyo.
Panawagan din nila sa mga trader na isaalang-alang ang kalagayan ng mga lokal na mag-aalaga ng baboy at huwag basta-bastang ibaba ang presyo ng kanilang mga alaga para lamang kumita.
Nauna nang nagpahayag ng pasasalamat ang Aklan United Hog Raisers Association (AURA) sa pamahalaang panlalawigan sa pagpapalabas ng naturang EO. Gayunman, problema pa rin umano ang pagpapatupad nito dahil wala umanong nakasaad na kaukulang penalidad laban sa mga lalabag sa kautusan.












