-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Patuloy na tinututukan ng Land Transportation Office (LTO)-6 ang mga ilegal na operator na bumibiyahe nang walang prangkisa habang papalapit ang Undas.

Ayon kay LTO-6 Regional Director Atty. Gaudioso Geduspan II, nagpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa mga terminal sa Iloilo City, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga pasaherong umuuwi sa kani-kanilang lugar upang dalawin ang mga yumaong mahal sa buhay.

Pokus ng kanilang Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 ang mga pampasaherong sasakyan, partikular ang mga colorum o ilegal na operator.

Batay sa pinakahuling datos ng LTO-6, kabilang sa mga nahuhuling colorum unit ang mga sasakyang pinatatakbo ng mga rent-a-car service na walang kaukulang awtorisasyon.

Nagbabala rin si Geduspan sa panganib ng pagsakay sa mga colorum na pampublikong sasakyan, lalo na kung masangkot sa aksidente.

-- ADVERTISEMENT --

Nagsimula ang Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 noong Oktubre 23 at magtatagal hanggang Nobyembre 4, 2026.