-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Itinanggi ni CAAP-Aklan Manager Monico Basallote ang mga alegasyong kinukunsinti umano ng pamunuan ng Kalibo International Airport ang pagtanggap ng mga pasaherong nahuhuli na sa kanilang scheduled flights.

Nilinaw ni Basallote na walang direktang kontrol ang CAAP sa desisyon ng mga airline company kung papayagan pa nilang makasakay ang mga pasaherong dumating lampas na sa itinakdang boarding cut-off time.

Aniya, nakadepende sa sariling patakaran at proseso ng bawat airline ang pagtanggap sa mga late na pasahero. Ang magagawa lamang umano ng CAAP ay maglabas ng memorandum na nag-aatas sa mga airline na paalalahanan ang kanilang mga pasahero na dumating sa paliparan dalawa hanggang tatlong oras bago ang kanilang flight.

Giit pa ni Basallote, dapat ay nasa paliparan na ang mga pasahero nang hindi bababa sa isang oras bago ang kanilang nakatakdang biyahe.

Nagpahayag din siya ng pagtataka kung bakit nadamay ang kaniyang pangalan sa mga kumakalat na alegasyon, kabilang ang umano’y pagtanggap niya ng pera o suhol kapalit ng pagpapahintulot sa airline na i-accommodate ang mga late na pasahero.

-- ADVERTISEMENT --

Mariin niyang itinanggi ang naturang alegasyon at iginiit na wala itong katotohanan at dapat nang itigil ang pagpapakalat nito.