-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Pinaniniwalaang faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na tumupok sa isang boarding house sa Sitio Baybay, Brgy. Andagao, Kalibo, araw ng Linggo, Nobyembre 1, na nag-iwan ng tinatayang mahigit ₱600,000 na pinsala.

Ayon kay FO3 Pedrito Nagamos II, duty investigator ng BFP-Kalibo, bandang alas-1:50 ng hapon nang matuklasan ang sunog. Bago ito sumiklab, nakarinig umano ng pagsabog ang mga residente at caretaker/tenant ng boarding house habang ito ay nagpapahinga.

Sa paunang imbestigasyon, posibleng nagmula ang apoy sa Unit 2 o Unit 3. May nakasaksak umanong Wi-Fi router at refrigerator sa Unit 2, habang inaalam pa ng mga imbestigador ang eksaktong pinagmulan ng sunog. Ipapadala rin sa laboratoryo ng BFP Central Office ang mga nakalap na ebidensya para sa pagsusuri.

Umabot sa mahigit 400 square meters ang nasunog na istruktura na may mahigit 11 kuwarto at gawa sa light materials at bahagyang konkreto. Pag-aari ito ni Gene Reyes ng Vizcarra Subdivision at inuupahan ng 16 na indibidwal, karamihan ay mga estudyante.

Nagtamo naman ng paso ang anak ng caretaker matapos tangkaing iligtas ang isang motorsiklo. Tatlong motorsiklo ang natupok sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa BFP, bukod sa pag-apula ng apoy, kinailangan ding protektahan ang likurang bahagi ng bahay dahil sa mga nakatambak na madaling magliyab na materyales, kabilang ang mga kariton, upang hindi kumalat ang apoy sa mga katabing kabahayan.

Mabilis namang nakaresponde ang mga bumbero at nakontrol ang sunog bandang alas-2:20 ng hapon bago tuluyang naapula alas-2:59.

Samantala, nilinaw ng BFP na residential structure ang pagkakaklasipika sa nasabing gusali dahil wala itong business permit bilang boarding house. Muling pinaalalahanan ng ahensya ang mga may-ari ng paupahang gusali na kumuha ng kaukulang permit at tiyaking sumusunod sa mga fire safety requirements.