Na-monitor ng Philippine Coast Guard (PCG) ang halos 1.2 milyong pasahero sa mga pantalan sa buong bansa hanggang Lunes ng umaga, Nobyembre 2, kaugnay ng paggunita sa Undas 2026.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, mas mababa ito kumpara sa 1.5 milyong pasaherong naitala noong nakaraang taon. Gayunman, inaasahan ang pagdagsa ng mga pasaherong pabalik sa kanilang mga destinasyon nitong Lunes ng hapon.
Patuloy namang ipatutupad ng PCG ang Oplan Biyaheng Ayos hanggang Nobyembre 3 upang matiyak ang kaligtasan at maayos na biyahe ng mga pasahero.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na bumili ng tiket nang maaga, dumating sa pantalan bago ang itinakdang oras ng biyahe, iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit at palaging sumunod sa mga panuntunang pangkaligtasan, partikular sa pagsusuot ng life jacket.













