KALIBO, Aklan — Matagumpay na naisagawa ng lalawigan ng Aklan ang pagho-host ng University Games (UNIGAMES), isang makasaysayang karanasan na nagpakita ng kakayahan ng lalawigan na tumanggap ng malalaking sporting events.
Ayon kay Neptune T. Tandog Jr., Assistant Coordinator ng Aklan para sa UNIGAMES, naging matagumpay ang aktibidad sa kabila ng ilang kakulangan, sa tulong ng mga lokal na pamahalaan ng Kalibo, Tangalan, Ibajay at Makato.
Ligtas nang nakauwi sa kani-kanilang lalawigan ang mga delegasyon mula Mindanao at National Capital Region (NCR). May ilan namang delegado mula sa DLSU, PUP at UE na nakatakdang umuwi ngayong Sabado, habang ang iba ay magtutungo pa sa Boracay.
Ipinagmamalaki rin ng mga Aklanon ang pagkakataong makita nang personal ang mga sikat na student-athlete mula sa UAAP at NCAA, na nagsilbing inspirasyon sa mga kabataang nangangarap na maging atleta.
Karamihan sa mga delegado ay unang beses pa lamang nakarating sa Aklan at nagpahayag ng paghanga sa hospitality ng mga Aklanon, maayos na accommodation at pasilidad, gayundin sa tulong ng DepEd sa kanilang billeting.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga bisita na mamasyal sa mga tourist spot sa lalawigan at tikman ang mga seafood sa New Washington.
Ayon kay Tandog, malaking tulong ang UNIGAMES sa pagpapalakas ng sports tourism sa Aklan at nagsisilbing stepping stone para sa posibleng pagho-host ng mas malalaking kompetisyon lalo pa at may bid si Governor Joen Miraflores para sa pagho-host ng Palarong Pambansa at Batang Pinoy sa lalawigan.
May ilang sektor naman ang nagpahayag ng pagnanais na muling maging host ang Aklan ng UNIGAMES sa mga susunod na taon.













