-- ADVERTISEMENT --

Nasa 100 pang indibidwal ang naghahangad na kilalanin bilang mga biktima ng kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bago ang paglilitis sa kanya sa International Criminal Court (ICC).

Sa dokumentong inihain noong Oktubre 28, sinabi ng ICC Registry na sinuri nito ang 46 na aplikasyon na kumakatawan sa 96 na indibidwal at kabilang sa Group A o mga aplikanteng malinaw na kuwalipikadong kilalanin bilang mga biktima.

Samantala, apat pang aplikasyon ang inilagay sa Group C dahil hindi pa matukoy kung kuwalipikado ang mga ito.

Kung opisyal na tatanggapin, madadagdag ang mga bagong aplikante sa 539 na naunang kinilala bilang mga biktima noong pretrial proceedings.

Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands, ang paglilitis kay Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y planong pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.

-- ADVERTISEMENT --