-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag umasa lamang sa mga water filter upang matiyak na ligtas inumin ang tubig, lalo na sa paghahanda ng bansa sa inaasahang epekto ng Super El Niño.

Ayon sa DOH, kailangang salain o linisin muna ang tubig na may halong dumi, organikong materyales at iba pang latak upang hindi mabarahan ang mga filter at mapanatili ang bisa nito.

Ipinaliwanag ni Health Assistant Secretary Tagumpay Maniquis na may limitasyon ang kakayahan ng water filter na magtanggal ng mga kontaminado.

Hindi kayang alisin ng filter na may kapasidad na 0.1 micron ang mga mikrobyong mas maliit dito, gaya ng ilang virus at bacteria.

Bilang karagdagang hakbang, inirerekomenda ng DOH ang pagpapakulo ng tubig o paggamit ng chlorine tablets upang mapatay ang mga mikrobyo.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayuhan din ang publiko na kumonsulta sa kanilang lokal na health center tungkol sa wastong paggamit ng mga ito.

Pinaalalahanan din ang mga gumagamit ng water filtration system na tiyaking rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang mga kagamitan upang masiguro ang kaligtasan at kalidad ng produkto.