-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nagsanib-pwersa ang Korea International Cooperation Agency (KOICA) at Department of Agriculture (DA) para sa pagtatayo ng mga smart greenhouse facilities sa lalawigan ng Aklan sa ilalim ng programang Value Chain Enhancement of High-value Crops through Smart Agriculture.

Ayon kay Engr. Alexys Apolonio, Provincial Agriculturist ng Aklan, layunin ng proyekto na magbigay ng kaalaman at impormasyon sa mga magsasaka hinggil sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka, partikular sa gitna ng krisis at mga hamong kinakaharap sa mga pangunahing pangangailangan sa produksyon.

Binigyang-diin din ni Apolonio na hindi layunin ng proyekto na tuluyang talikuran ang tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka. Gayunman, aniya, mahalagang humanap ng mga bagong pamamaraan upang mabawasan at matugunan ang mga problemang nararanasan ng mga magsasaka sa kasalukuyang panahon.

Pormal na binuksan ngayong Sabado, Nobyembre 7, ang nasabing pasilidad na matatagpuan sa Barangay Nalook, Kalibo.

Kasama sa mga dumalo sa pagbubukas sina South Korean Ambassador H.E. Lee Dong-gy, KOICA Philippines Country Director Jung Youngsun, Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., DA-RFO VI Regional Executive Director Dennis R. Arpia, at Aklan Governor Jose Enrique M. Miraflores, gayundin ang iba pang opisyal at project stakeholders. Via Bombo Ashley Mae Pamaos

-- ADVERTISEMENT --