France — Inakusahan ng pamahalaan ng France ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na nasa likod ng cyberattack na tumarget sa mga refrigerator at freezer ng daan-daang supermarket sa bansa noong nakaraang buwan.
Ayon kay French Foreign Minister Jean-Noël Barrot, nagdulot ang pag-atake ng pagkasira ng mga sariwa at frozen na pagkain na nagkakahalaga ng milyun-milyong euro. Sa ilang tindahan, umabot umano sa 50°C ang temperatura ng mga refrigerator.
Kabilang sa mga naapektuhang supermarket ang Intermarché, Netto, Carrefour, Monoprix at E.Leclerc. Sinamantala ng mga hacker ang sistemang ginagamit upang kontrolin nang malayuan ang temperatura ng mga refrigeration unit.
Nagbabala ang France na maaaring patawan ng mga parusa sa antas ng European Union ang mga responsable sa pag-atake. Ipinatawag din ng pamahalaan ang embahador ng Iran upang ipahayag ang matinding protesta.
Samantala, iniimbestigahan din ang magkakahiwalay na cyberattack sa mahigit 100 supermarket sa iba pang bansa sa Europa, kabilang ang Belgium at Luxembourg.
Hindi pa nagbibigay ng tugon ang Iran sa mga paratang.
Hindi rin inilabas ng France ang mga detalye kung paano nito natukoy ang Iran bilang posibleng responsable sa insidente.













