-- ADVERTISEMENT --

ALTAVAS, Aklan — Nakahanda na ang Altavas Municipal Police Station (MPS) sa pag-deploy ng mga pulis para sa Opening Salvo ng Altavas Ati-Atihan 2027.

Ayon kay P/Lt. Abelardo Palma Jr., Officer-in-Charge ng Altavas MPS, nagsagawa na sila ng inter-agency coordination meeting at inaasahan pang magsagawa ng mga susunod na pagpupulong bago ang aktibidad sa Disyembre 10, 2026.

Pahayag ni Palma, nakadepende sa dami ng mga aktibidad at presensya ng mga national figures ang posibilidad na humiling sila ng karagdagang personnel mula sa Aklan Police Provincial Office.

Inaasahang aabot sa mahigit 25,000 katao ang dadalo sa nasabing selebrasyon, batay sa crowd estimation noong 2025.

Mayroon ding pitong banda na posibleng lumahok, ayon sa mga opisyal ng mga barangay sa Poblacion. Gayunman, wala pang kumpirmadong kabuuang bilang ng mga kalahok.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga planong hakbang sa seguridad ang paglalagay ng pedestrian restraining areas sa mga entrance at exit, police assistance desks sa mga lugar na maraming tao, at pagsasagawa ng checkpoints kada dalawang oras tuwing madaling-araw at gabi.

Pinag-aaralan din ang posibilidad ng pagsasara ng ilang kalsada upang matiyak ang kaligtasan at maayos na daloy ng mga tao.

Nagpaalala rin ang kapulisan sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng armas sa festival area.

Dagdag pa ni Palma, tututukan din ng mga pulis ang seguridad sa Opening of Christmas Lights sa Altavas Plaza.

Samantala, inaasahang matatapos bago ang kapistahan ang konstruksyon ng diversion road na nagsisilbing shortcut patungong Iloilo. Kapag natapos na ito, posibleng magpatupad ng road closure upang higit na mapadali ang pag-deploy ng mga pulis at pamamahala sa seguridad ng nasabing aktibidad. Via Bombo Cherry Mae Llavera