KALIBO, Aklan — Mahigit 16,000 guro sa buong rehiyon ng Western Visayas ang makatatanggap ng mga laptop upang higit pang mapahusay ang kanilang pagtuturo sa mga estudyante sa loob ng silid-aralan.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Region VI Spokesperson Hernani Escullar Jr., aabot sa 16,738 guro mula sa iba’t ibang Schools Division Office sa rehiyon ang makatatanggap ng Acer at Apple MacBook Neo laptops bilang bahagi ng pagsisikap na mapabilis at mapalakas ang modernisasyon sa edukasyon sa pamamagitan ng digital technology.
Kasunod ito ng anunsyo ni Education Secretary Sonny Angara, kung saan kabilang sa mga prayoridad na benepisyaryo ang mga gurong hindi pa nakatatanggap ng laptop mula sa anumang pondo ng ahensya, alinsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag pa ni Escullar, mahigpit ang kanilang monitoring sa pamamahagi ng mga nasabing gadget upang matiyak na direktang makararating ang mga ito sa mga kwalipikadong benepisyaryo at magagamit nang maayos sa pagtuturo at pagkatuto ng mga estudyante.
Nabatid na ang alokasyon para sa Western Visayas ay bahagi ng makasaysayang ₱7.4-bilyong nationwide procurement ng DepEd para sa kabuuang 172,654 Apple MacBook Neo laptops.













