Kinompronta umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang noo’y House Speaker Martin Romualdez matapos malagay sa alanganin ang trabaho ng tinatayang 7,000 daily-wage employees ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mga congressional budget insertion noong 2024.
Ayon sa dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa kanyang judicial affidavit, kinulang sa pondo ang ahensya matapos ilipat ng mga mambabatas ang malaking bahagi ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at pondong nakalaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Dahil dito, agad umanong tinawagan ni Marcos si Romualdez upang kuwestiyunin ang pagkuha sa pondo ng DPWH na maaaring magresulta sa pagtanggal ng libo-libong empleyado.
Sinabi rin ni Bonoan na nagpatuloy ang mga budget insertion sa 2025 national budget na umabot umano sa ₱436 bilyon. Dahil dito, nagalit umano ang Pangulo at pinag-aralan ang posibilidad na i-veto ang buong budget.
Sa huli, inatasan umano ni Marcos si Bonoan na tukuyin ang mga proyektong maaaring tanggalin, kabilang ang tinatayang ₱26 bilyong mga proyektong hindi umano tugma sa pangunahing programa ng pamahalaan.
Samantala, tinukoy rin sa affidavit ang umano’y ₱27 bilyong budget insertion na iniuugnay kay Romualdez. Ang mga pahayag na ito ay bahagi ng salaysay ni Bonoan na isinumite sa korte.













