Naaresto sa Prague, Czech Republic ang dating mambabatas na si Zaldy Co dahil sa umano’y ilegal na pagpasok sa nasabing bansa, ayon sa kumpirmasyon ng Malacañang.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez, kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ng Czech Republic si Co at nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan ng Pilipinas upang maisaayos ang kanyang pagbabalik sa bansa.
Kinumpirma rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakaaresto at tiniyak na sinusunod ang lahat ng legal na proseso sa pakikipagtulungan sa pamahalaan ng Czech Republic.
Si Co, na dating namuno sa House Committee on Appropriations, ay iniugnay sa umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control. Nauna na rin siyang ideklarang pugante matapos hindi humarap sa Sandiganbayan, na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya at iba pa noong Nobyembre 2025 kaugnay ng isang multi-milyong proyektong road dike sa Naujan, Oriental Mindoro.













