KALIBO, Aklan — Sa kabila ng kabiguang makapasok sa final ng 2026 FIFA World Cup, umaasa ang England na makabawi sa nalalabi nitong laban para sa ikatlong puwesto bilang paraan ng pasasalamat sa patuloy na suporta ng kanilang mga tagahanga.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Charlyn Mae Balbuena, isang guro sa United Kingdom, matapos ang 2-1 pagkatalo sa Argentina sa semifinal na ikindismaya ng kanilang mga fans, inaasahang ibubuhos ng Three Lions ang kanilang buong lakas sa third-place playoff upang tapusin ang torneo sa positibong paraan.
Aniya, kahit hindi na nila maaabot ang inaasam na kampeonato, mahalaga pa rin ang laban upang maibalik ang kumpiyansa ng koponan at maipakita ang kanilang determinasyon.
Sa buong kampanya ng England sa World Cup, hindi umano matatawaran ang suporta ng kanilang mga fans na nagsama-sama sa mga stadium, pub, at iba pang lugar upang ipakita ang kanilang pagsuporta sa pambansang koponan.
Ang tagumpay sa third-place playoff ay maituturing na magandang pagtatapos sa kampanya ng England at magsisilbing inspirasyon sa koponan habang naghahanda para sa mga susunod pang international tournament.













