-- ADVERTISEMENT --

Naglabas ng pagkabahala ang mga embahada ng Australia, New Zealand, South Korea, at iba pang bansa kaugnay sa paggamit ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) laban sa mga barkong Pilipino malapit sa Bajo de Masinloc, sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Muling iginiit ni Australian Ambassador HK Yu ang bisa ng 2016 Arbitral Ruling at ang pangangailangang resolbahin ang alitan sa South China Sea nang mapayapa, alinsunod sa UNCLOS. Sumang-ayon ang New Zealand Embassy at nanawagan para sa mapayapang solusyon, habang nanindigan ang South Korean Embassy para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang Estados Unidos, European Union, United Kingdom, at Canada para sa paggalang sa pandaigdigang batas.

Ang insidente ay naganap habang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay nagpadala ng apat na barko para maghatid ng suplay sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc. Dalawa sa mga barko, ang BRP Datu Tamblot at BRP Datu Taradapit, ang binomba ng water cannon ng CCG sa lugar malapit sa Scarborough Shoal.