-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang mga health expert sa mga Pilipinong nasa working age na magpabakuna, kasabay ng napansing agwat sa antas ng immunisasyon kumpara sa mga bata at senior citizens.

Ayon sa Philippine Foundation for Vaccination (PFV), karaniwang tumitigil sa pagbabakuna ang mga tao kapag nagsimula nang magtrabaho at bumabalik lamang sa pagpapabakuna sa katandaan.

Binigyang-diin na ang mga bakuna gaya ng flu shot ay dapat ginagawa taun-taon upang mapanatili ang proteksyon laban sa sakit.

Ayon sa mga eksperto, ang mababang vaccination rate sa mga empleyado ay maaaring magresulta sa mas madalas na pagkakasakit, na nagdudulot ng pagliban sa trabaho at pagbaba ng produktibidad.

Iginiit din na mahalaga ang pagbabakuna hindi lamang para sa personal na kalusugan kundi pati sa kabuhayan ng pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatutulong din umano ang bakuna sa pag-iwas sa antibiotic resistance sa pamamagitan ng pagbawas ng pangangailangan sa gamot kapag hindi nagkakasakit.

Giit ng mga eksperto, mahalaga ang pagpapalawak ng adult vaccination upang mapabuti ang kalusugan ng publiko at mabawasan ang gastusin sa gamutan.