-- ADVERTISEMENT --

Tuluyan nang nagretiro si Linda Sinrod mula sa ice hockey sa edad na 84 na taon at 198 araw matapos siyang kilalanin ng Guinness World Records bilang pinakamatandang babaeng hockey player sa mundo. Nilaro niya ang huling laban noong Abril 7 kasama ang Capitals Women’s Hockey League sa Arlington, Virginia.

Nagsimula si Sinrod sa ice hockey sa edad na 35 matapos ang karanasan bilang figure skater, sa panahong limitado pa ang oportunidad para sa kababaihan sa sport. Naging bahagi siya ng unang women’s ice hockey team sa Washington DC at naglaro nang mahigit isang dekada.

Bagama’t ilang beses nang nagretiro, muling bumalik si Sinrod sa paglalaro sa edad na 67 at nagpatuloy hanggang sa kanyang huling season ngayong taon. Itinuturing siyang inspirasyon at patunay na walang hangganan ang edad sa sports, kasabay ng patuloy na pag-unlad at pagkilala sa women’s ice hockey sa pandaigdigang antas.