Nanguna ang Pilipinas sa talaan ng World’s 50 Best Beaches 2026 matapos hiranging pinakamagandang beach sa mundo ang Entalula Beach sa El Nido, Palawan. Umakyat ito mula ikalawang puwesto noong 2025.
Kinilala ang Entalula Beach dahil sa maputing buhangin, malinaw na tubig, at matatayog na batong-apog na nagbibigay ng natatanging tanawin. Kilala rin ito sa pagiging tahimik at hindi matao kumpara sa iba pang kalapit na dalampasigan.
Kasama rin sa listahan ang Kalanggaman Island sa Palompon, Leyte na pumuwesto sa ika-25. Pinuri ito dahil sa mahabang sandbar, maputing buhangin, at malinaw na karagatan.
Ayon sa World’s 50 Best Beaches, ang taunang listahan ay batay sa nominasyon ng libo-libong travel professionals at sinusuri gamit ang pamantayan tulad ng tanawin, wildlife, katahimikan, at linaw ng tubig.
Kabilang din sa 2026 listahan ang mga beach mula sa Greece, Australia, Fiji, Maldives, Thailand, at French Polynesia.












