KALIBO, Aklan — Nasawi habang ginagamot sa isang pribadong ospital ang isang rider makaraang sumemplang ang minamanehong motorsiklo nang aksidenteng mabundol nito ang tumatawid na aso sa bayan ng Makato, gabi ng Sabado, Agosto 2, 2025.
Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang rider na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Batay sa imbestigasyon, bigla na lamang na tumawid ang aso dahilan na nabundol ng motorsiklo.
Buhay ang aso at tumakbo palayo pagkatapos ng aksidente.
Sa kasalukuyan ay hindi pa matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng naturang aso.
Sa kabilang daku, nagkaroon naman ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang 16-anyos na magkapatid na kambal na kapwa babae matapos mabundol ng kanilang minamahehong motorsiklo ang biglang tumawid na aso sa Brgy. Palay, Batan, hapon ng Linggo, Agosto 3.
Sinasabing papauwi na sana sa kanilang bahay sa Brgy. Angas ang magkapatid nang mangyari ang aksidente.
Ang insidente ay nirespondehan ng mga miyembro ng MDRRMO Batan at isinugod sa ospital para sa karampatang medikasyon.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigahan ng mga awtoridad lalo na ang pagtukoy sa may-ari ng aso.