KALIBO, Aklan — Makakaranas ng 12-oras na pagkawala ng suplay ng kuryente ang malalaking bahagi ng Aklan sa Sabado, Oktubre 17, 2026, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Hindi kabilang sa apektadong lugar ang bayan ng Malay at isla ng Boracay.
Ayon sa abiso ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), sakop ng nakatakdang power interruption ang mga lugar na pinagsisilbihan ng Andagao, Altavas, Lezo at Nabas substations. Kabilang dito ang Kalibo, Banga, New Washington, Altavas, Balete, Batan, Ibajay, Nabas, Tangalan, Makato, Numancia, Lezo, Libacao, Madalag at Malinao. Apektado rin ang Barangay Bagongbayan sa Buruanga at ilang lugar sa Antique at Capiz.
Isasagawa ang pagpapatuloy ng pagpapalit ng mga poste na yari sa kahoy sa kahabaan ng Nabas–Sapi-an 69-kilovolt transmission line, gayundin ang maintenance works sa Nabas Substation.
May ilang bahagi rin ng Nabas na hindi sakop ng pagkawala ng kuryente.
Pinapayuhan ang mga consumer na maghanda at tiyaking naka-charge ang kanilang mga cellphone, power bank at iba pang kailangang kagamitan. Maibabalik ang suplay ng kuryente matapos makumpleto ang mga nakatakdang gawain.












