-- ADVERTISEMENT --

Hindi bababa sa 37 katao ang nasugatan matapos ang panibagong airstrike ng Israel sa southern Lebanon noong Mayo 15, sa kabila ng umiiral na tigil-putukan na pinangungunahan ng Washington, D.C..

Ayon sa Israeli military, target ng operasyon ang mga imprastruktura ng Hezbollah sa Tyre at kalapit na lugar. Gayunman, sinabi ng Lebanese health ministry na kabilang sa mga sugatan ang kababaihan, bata, at ilang hospital workers matapos tamaan ang mga gusali malapit sa ospital at isang NGO center.

Kinondena naman ng United Nations ang nagpapatuloy na karahasan at nanawagan na gamitin ang diplomasya upang maiwasan ang paglala ng krisis. Marami ring residente ang napilitang lumikas matapos masira ang kanilang mga tirahan.

Sa kabila ng ceasefire na umiiral mula Abril 17, nagpapatuloy ang sagupaan sa pagitan ng Israel at Hezbollah, na kapwa nag-aakusahan ng paglabag sa kasunduan. Patuloy rin ang peace talks sa US State Department, kung saan umaasa ang Lebanon na mapalawig ang tigil-putukan bago ito mag-expire sa Linggo.