KALIBO, Aklan — Kinumpirma ni Atty. Christian Itulid, election officer IV ng Commission on Elections (Comelec) Kalibo na inilipat ang voters registration period mula sa original na schedule na July 1 to 11 sa huling linggo ng Oktubre.
Ang registration ay magtatagal hanggang sa Hulyo 10, 2026.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Atty. Itulid na hangga’t walang bagong batas, magpapatuloy ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa December 1 ng kasalukuyang taon.
Nilinaw nito na ang desisyon na ilipat ang registration period ay pinal at hindi nakadepende kung matutuloy o hindi ang BSKE.
Nabatid na noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Senado at House of Representatives ang report ng bicameral conference committee ukol sa isang panukalang batas na nagtatakda ng apat na taong termino mula sa kasalukuyang tatlong taon para sa mga nahalal na barangay at SK officials.
Ang naturang panukalang batas ay kasalukuyang naghihintay ng lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sakaling maging batas, ang Barangay and SK elections ay ililipat mula Disyembre 1, 2025, papuntang unang Lunes ng Nobyembre 2026.