-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Isa na ang naiulat na patay dahil sa pananalasa ng bagyong Uwan sa lalawigan ng Aklan.

Ayon kay Ibajay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Ariel Alag na namatay ang biktimang si Jonathan Nabor, 38 anyos at residente ng Sitio Agutay, Brgy. Aquino sa naturang bayan nang makuryente ng live wire.

Sinasabing natagpuan na lamang ito ng kanyang pamilya na nakahandusay sa likurang bahagi ng kanilang bahay kasama ang mga natumbang saging.

Dinala pa siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, umabot sa 33,375 katao o 9,650 na pamilya ang inilikas sa kasagsagan ng bagyo sa iba’t ibang bayan sa Aklan.

Ito ay batay sa pinakahuling damage assessment report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Sa mabuting palad, wala namang pinsalang iniwan ang bagyong Uwan sa kalsada at imprastraktura.

Umabot naman sa 121 na bahay ang bahagyang nasira habang dalawa ang tuluyang nawasak.