-- ADVERTISEMENT --

Matagumpay na isinagawa ng Pilipinas ang kauna-unahang WTA tournament sa bansa, ang Philippine Women’s Open, na nakatanggap ng positibong reaksyon mula sa mga manlalaro, tagahanga, at mismong WTA. Ayon kay WTA Supervisor Cristina Romero, mataas ang kalidad ng torneo at malaking oportunidad para sa mga manlalaro sa rehiyon ng Asia Pacific.

Pinuri rin niya ang mainit na pagtanggap ng mga Filipino at ang suporta ng mga tagahanga, na ramdam mula sa qualifying rounds hanggang sa finals, at binanggit ang impluwensiya ni Alex Eala sa pagpapalakas ng interes sa tennis sa bansa.

Ipinahayag ng Philippine Tennis Association (PHILTA) at Philippine Sports Commission (PSC) ang layuning mag-host ng mas mataas na antas ng WTA tournament sa hinaharap, at ayon kay Romero, handa ang Pilipinas bilang matibay na kandidato para sa global tournaments.

Sa tanong ng PSC Chairman Patrick Gregorio kung nais ng publiko ang isa pang WTA tournament sa 2027, masigabong palakpakan ang sumagot—patunay ng suporta ng mga Filipino fans para sa mas marami at mataas na antas ng tennis sa bansa.