Ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang pagtugis sa mga itinuturong sangkot sa maanomalyang flood control projects, kabilang si dating mambabatas Zaldy Co, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nakikipag-ugnayan ang Department of the Interior and Local Government sa Interpol upang matunton ang kinaroroonan ni Co. May nakabinbin umanong request for cooperation sa Interpol, ngunit wala pang naibibigay na update hinggil sa status nito.
Ayon pa sa Palasyo, patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensiya sa paghahanap sa mga suspek na nagtatago, habang ilang kaso na ang naisampa o inirekomendang isampa kaugnay ng isyu. Mayroon na ring mga naaresto at bahagi ng umano’y nakuhang kickbacks ang naibalik sa pambansang kaban.
Dagdag ni Castro, hahayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Justice at Office of the Ombudsman na pangasiwaan ang mga kaso, habang nananatiling prayoridad ng Pangulo ang pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.













