-- ADVERTISEMENT --

Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang apela ng kampo ni Rodrigo Duterte na humihiling ng pansamantalang paglaya mula sa detensyon.

Pinagtibay ng appellate court ang naunang desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Enero 26 na manatiling nakakulong ang dating pangulo sa ICC Detention Center sa Netherlands dahil sa pangamba na maaari siyang tumakas.

Batay sa desisyon, ibinasura ng Appeals Chamber ang lahat ng argumento ng depensa. Kabilang sa mga ito ang isinumiteng ulat tungkol sa kalagayan ng kalusugan ni Duterte, na hindi tinanggap bilang bagong ebidensya dahil wala umanong isinagawang panibagong pagsusuri ng mga doktor na naghanda nito.

Binigyang-diin din ng hukuman na ang pagtukoy sa mga panganib, kabilang ang epekto ng kalusugan ng akusado, ay isang legal na pagpapasya na saklaw ng Pre-Trial Chamber at hindi nangangailangan ng karagdagang medikal na pagsusuri.