Nangako ang Department of Migrant Workers ng buong suporta sa pamilya ng isang Pilipinong seafarer na nawawala matapos tamaan ng missile ang isang tugboat sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nakipag-ugnayan na ang ahensya sa pamilya habang nagpapatuloy ang search and rescue operations. Sakay umano ang nawawalang seafarer ng tugboat na Musaffah 2 na rumesponde sa container ship na Safeen Prestige, na nasira matapos tamaan ng missile noong Marso 6.
Ligtas ang mga tripulante ng container ship ngunit isang Pilipinong crew mula sa assisting tugboat ang naiulat na nawawala. Samantala, patuloy na binabantayan ng DMW ang kalagayan ng humigit-kumulang 6,400 Pilipinong seafarer na nasa mga barko sa rehiyon.
Naglabas din ang ahensya ng advisory na nagdedeklara sa Persian Gulf, Strait of Hormuz at Gulf of Oman bilang warlike operations areas at pinayuhan ang mga seafarer na maaari nilang tanggihan ang paglalayag sa mga high-risk na lugar.












